Mahigit sampung taon na ang nakalilipas
nang aking naging guro ang isa sa mga tinagurian kong mga huwaran sa larangan
ng pagtuturo. Isang buhay na lagi kong mababalik tanaw kapag pinag-uusapan ang
tungkol sa kung sino ang iyong paboritong guro. Isang ordinaryong tao na
ginagampanan ang kanyang tungkulin sa lipunan sa paraang alam niya ngunit
lingid sa kanyang kaalaman na ang malasakit at ang pakikitungo niya sa mga tao
lalong lalo na sa kanyang mga estudyante ay nagkaroon na ng apekto na mas
malawak pa sa saklaw ng kanyang propesyon. Epekto na dulot ng ‘di lang dahil sa
kinakailangan kundi katumbas ng kanyang buhay ang ibinibigay na serbisyo.
Ngunit para sa akin bilang isa sa kanyang mga mag-aaral, higit pa sa serbisyo
ang nakita at nasaksihan ko simula noong kabataan ko.
Grade 4 ako noon, seksyon Sunflower,
transferee at naninibago sa kapaligiran. At ang unang impresyon ko sa aking
adviser ay siya’y palakaibigan at ang kanyang mumunting ngiti ay
nakapagpapagaan ng loob at isang simbolo ng napakamalugod na pagtanggap sa
isang bagong estudyanteng katulad ko. Pagtungtong ko sa grade 5 ay hindi ko
inakala na mapabilang ako sa paligsahan ng campus journalism, Filipino category
at mas lalo kong hindi inaasahan na siya ang school paper adviser ng nasabing
kategorya. Bagama’t pampito lang ako sa unang salang ko sa paigsahang iyon ay patuloy pa rin ang pagsasanay para sa
susunod na taon.Do’n ko mas nakilala si mam. Para ko siyang ina sa paaralan.
Hanggang sa ikaanim na baitang ay siya pa rin ‘yong mentor ko sa pagsusulat ng
editoryal. Mas napalalim pa ang aming relasyon dahil sa mga one-on-one na
sesyon namin sa pagsasanay. Naaalala ko pa no’n ang kanyang galit ngunit maamo
paring mukha kapag hindi ako makapasa ng papel sa takdang panahon na sinasabi
niya. Dahan-dahan niya akong pinapayuhan sa aking mga pagkakamali, bagay na mas
nakakatulong sa ‘kin na pagbutihin ko pa ang aking mga ginagawa. Isang araw
no’n, habang papalapit na ang araw ng paligsahan, umuwi na ang lahat ng
estudyante dahil oras na ng labasan sa hapon at kailangan naming mag-extend ng
oras sa pagsasanay, kasama ang isa ko pang kaklase na may event din sa
paligsahang iyon. Nasurpresa ako dahil iba ‘yong ngiti ni mam sa ‘kin kasama
no’ng kaklase ko. ‘Yon pala’y crush daw ako no’ng kaklase ko at alam ni mam na
may ibibigay sa aking stuff toy at kuntsabo pala sila. Biruin mo at kikiligan
pa si mam ng gano’n.
Ang katangian niyang handang bumaba
sa lebel ng kanyang mga estudyante ang isa sa mga nagustuhan ko kay mam. Ito ay
sa aspeto sa kanyang pakikitungo.Itinuturi niyang parang mga anak na tunay ang
kanyang mga mag-aaral. Laging bukas ang sarili sa pagtulong. Hindi lang niya
alam ang pangalan ng kanyang mga mag-aaral kundi intresado siya sa bawat buhay
nila.
Maihahalintulad ko si mam sa isang
agila. Ang agila ay tinaguriang may pinakamalayong matatanaw. Humigit sa isang
kilometro mula sa himpapawid ay kaya pa niyang kunin ang isda na nasa tubig. Gumagawa
sila ng kanilang salag sa mga pinakamatataas na puno sa mga bundok. At ang
agila ay simbolo ng isang pagkalider.
Maituturi ko hindi lang isang guro
si mam kundi isa siyang lider. Lider sa lipunan. Hindi man sa kilalang posisyon
kundi sa katangiang kayang paunlarin ang mga kabataan at himukin para maihayag
ang ganap nilang potensyal. Kagaya ng agila ang kanyang pag-aaruga at
pagpapaunlad sa kanyang mga mag-aaral. May malaki siyang pagtitiwala sa kanyang
mga estudyante at kagaya ng inang agila na handang itulak ang kanyang sisiw
mula sa salag upang turuan kung papaano lumipad, si mam na hihimukin ka
talagang ilabas mula sa iyong kaginhawaang kinalalagyan, itutulak sa bangin at
himpapawid ng risgong realidad ng buhay. Do’n ako unang nabinat sa disiplina ng
pagsusulat. Bagay na hindi ako hiyang dahil hindi ko hilig ang pagbabasa.
Ngunit sa kabila ng katigasan kong paunlarin ang potensyal, matibay pa rin ang
kanyang paniniwala na kaya kong gawin ang dapat kong gawin.
Ikaanim na baitang, huling taon ko sa
elementarya at huling taon para sa paligsahan ng pagsusulat kasama si mam. Araw
na na ng patimpalak, kagaya ng inang agila ang kanyang pagganyak para sa huling
pagsubok sa pagtulak ng kanyang sisiw mula sa kataas-taasan ng salag. Ngunit
bago paman ang pagpaparangal ay sinigurado ni mam sa akin na kahit ano man
‘yong kinalalabasan ay niniwala pa rin siya sa aking kakayahan sa pagsusulat ng
editoryal. Katulad ng inang agila kung mabigo man ang sisiw sa pagbukas ng
kanyang mga mumunting pakpak dahil sa lakas ng hangin ay nandiyan pa rin siya
na handang sumalo nito at iakay sa kanyang likuran. Bagay na ikinagiginhawa ko
no’n. Subalit, tila nakayanan ng sisiw ang lakas ng hangin sa himpapawid.
Natapos ang patimpalak at ginawaran ako ng unang gantimpala. Mas lumalim pa ang
aming samahan kasama ang aming grupo na papuntang Bukidnon para sa rehiyonang
lebel ng paligsahan. Kahit ikalima lang ‘yong pwesto na nakuha ko do’n ay sariwa
pa rin sa mga nakuhang larawan ang saya sa mukha ni mam. Bagay na ikinasaya ko
rin.
Nagdaan ang iilang taon at naging
magkaibigan ang aming pamilya at ang pamilya ni mam. Do’n ko pa nalaman na wala
palang anak si mam. At mga pamangkin niya ang kanyang mga inaalagaan. Kaya pala
naiiba ang kanyang pag-aalaga sa kanyang mga estudyante, itinuturi talaga niya
itong mga tunay na anak. Katulad din ng agila ang samahan niya sa kanyang
asawa. Ayon sa syensya, sa kabuuang buhay ng isang agila ay may iisa lamang
itong kinakasama. Isang napakatamis na katotohanan na bihira sa mga mag-asawa
na walang mga supling sa ganitong kapanahonan.
“He
gaves childless couples a family, gives them joy as the parents of children.
Hallelujah!” Psalm 113:9
Ito ang pinakahindi ko inaasahan sa
lahat, bagay na ikinagulat ko noong minsa’y ako’y umuwi sa amin sa bakasyon,
nakita kong nagsimba si mam sa aming simbahan. Natutuwa ako at ito pala ang
kabuuang plano ng Panginoon sa bawat isa na darating ang panahon na magkaisang sumamba
sa Kanya ang kanyang mga anak. Ngayon kapag ako’y umuuwi sa amin ay
magkakita-kita kami sa simbahan, siya at ang kanyang asawa. Pagkakataon na ikinatutuwa
namin pareho.
Lahat naman tayo ay may gurong
hinahangaan at paborito. Sapagkat tayong nilalang na hindi kayang mabubuhay sa
isla nang nag-iisa lamang. Bawat isa ay bahagi ng isa pang buhay. At sa bawat
tao na ating hinahangaan, mapaloob man o labas ng ating tahanan ay nakadadama
tayo ng belongingness, ika nga. At ito ang nakita kong katangian na pareho sa
lahat ng ating hinahangaan: ang kabuuang lalim ng impluwensya nila sa ating mga
buhay.
“People don’t care how
much you know until they know how much you care”, J.C.Maxwell.