Linggo, Pebrero 21, 2016

Agila



            Mahigit sampung taon na ang nakalilipas nang aking naging guro ang isa sa mga tinagurian kong mga huwaran sa larangan ng pagtuturo. Isang buhay na lagi kong mababalik tanaw kapag pinag-uusapan ang tungkol sa kung sino ang iyong paboritong guro. Isang ordinaryong tao na ginagampanan ang kanyang tungkulin sa lipunan sa paraang alam niya ngunit lingid sa kanyang kaalaman na ang malasakit at ang pakikitungo niya sa mga tao lalong lalo na sa kanyang mga estudyante ay nagkaroon na ng apekto na mas malawak pa sa saklaw ng kanyang propesyon. Epekto na dulot ng ‘di lang dahil sa kinakailangan kundi katumbas ng kanyang buhay ang ibinibigay na serbisyo. Ngunit para sa akin bilang isa sa kanyang mga mag-aaral, higit pa sa serbisyo ang nakita at nasaksihan ko simula noong kabataan ko.
            Grade 4 ako noon, seksyon Sunflower, transferee at naninibago sa kapaligiran. At ang unang impresyon ko sa aking adviser ay siya’y palakaibigan at ang kanyang mumunting ngiti ay nakapagpapagaan ng loob at isang simbolo ng napakamalugod na pagtanggap sa isang bagong estudyanteng katulad ko. Pagtungtong ko sa grade 5 ay hindi ko inakala na mapabilang ako sa paligsahan ng campus journalism, Filipino category at mas lalo kong hindi inaasahan na siya ang school paper adviser ng nasabing kategorya. Bagama’t pampito lang ako sa unang salang ko sa paigsahang  iyon ay patuloy pa rin ang pagsasanay para sa susunod na taon.Do’n ko mas nakilala si mam. Para ko siyang ina sa paaralan. Hanggang sa ikaanim na baitang ay siya pa rin ‘yong mentor ko sa pagsusulat ng editoryal. Mas napalalim pa ang aming relasyon dahil sa mga one-on-one na sesyon namin sa pagsasanay. Naaalala ko pa no’n ang kanyang galit ngunit maamo paring mukha kapag hindi ako makapasa ng papel sa takdang panahon na sinasabi niya. Dahan-dahan niya akong pinapayuhan sa aking mga pagkakamali, bagay na mas nakakatulong sa ‘kin na pagbutihin ko pa ang aking mga ginagawa. Isang araw no’n, habang papalapit na ang araw ng paligsahan, umuwi na ang lahat ng estudyante dahil oras na ng labasan sa hapon at kailangan naming mag-extend ng oras sa pagsasanay, kasama ang isa ko pang kaklase na may event din sa paligsahang iyon. Nasurpresa ako dahil iba ‘yong ngiti ni mam sa ‘kin kasama no’ng kaklase ko. ‘Yon pala’y crush daw ako no’ng kaklase ko at alam ni mam na may ibibigay sa aking stuff toy at kuntsabo pala sila. Biruin mo at kikiligan pa si mam ng gano’n.
            Ang katangian niyang handang bumaba sa lebel ng kanyang mga estudyante ang isa sa mga nagustuhan ko kay mam. Ito ay sa aspeto sa kanyang pakikitungo.Itinuturi niyang parang mga anak na tunay ang kanyang mga mag-aaral. Laging bukas ang sarili sa pagtulong. Hindi lang niya alam ang pangalan ng kanyang mga mag-aaral kundi intresado siya sa bawat buhay nila.
            Maihahalintulad ko si mam sa isang agila. Ang agila ay tinaguriang may pinakamalayong matatanaw. Humigit sa isang kilometro mula sa himpapawid ay kaya pa niyang kunin ang isda na nasa tubig. Gumagawa sila ng kanilang salag sa mga pinakamatataas na puno sa mga bundok. At ang agila ay simbolo ng isang pagkalider.
            Maituturi ko hindi lang isang guro si mam kundi isa siyang lider. Lider sa lipunan. Hindi man sa kilalang posisyon kundi sa katangiang kayang paunlarin ang mga kabataan at himukin para maihayag ang ganap nilang potensyal. Kagaya ng agila ang kanyang pag-aaruga at pagpapaunlad sa kanyang mga mag-aaral. May malaki siyang pagtitiwala sa kanyang mga estudyante at kagaya ng inang agila na handang itulak ang kanyang sisiw mula sa salag upang turuan kung papaano lumipad, si mam na hihimukin ka talagang ilabas mula sa iyong kaginhawaang kinalalagyan, itutulak sa bangin at himpapawid ng risgong realidad ng buhay. Do’n ako unang nabinat sa disiplina ng pagsusulat. Bagay na hindi ako hiyang dahil hindi ko hilig ang pagbabasa. Ngunit sa kabila ng katigasan kong paunlarin ang potensyal, matibay pa rin ang kanyang paniniwala na kaya kong gawin ang dapat kong gawin.
            Ikaanim na baitang, huling taon ko sa elementarya at huling taon para sa paligsahan ng pagsusulat kasama si mam. Araw na na ng patimpalak, kagaya ng inang agila ang kanyang pagganyak para sa huling pagsubok sa pagtulak ng kanyang sisiw mula sa kataas-taasan ng salag. Ngunit bago paman ang pagpaparangal ay sinigurado ni mam sa akin na kahit ano man ‘yong kinalalabasan ay niniwala pa rin siya sa aking kakayahan sa pagsusulat ng editoryal. Katulad ng inang agila kung mabigo man ang sisiw sa pagbukas ng kanyang mga mumunting pakpak dahil sa lakas ng hangin ay nandiyan pa rin siya na handang sumalo nito at iakay sa kanyang likuran. Bagay na ikinagiginhawa ko no’n. Subalit, tila nakayanan ng sisiw ang lakas ng hangin sa himpapawid. Natapos ang patimpalak at ginawaran ako ng unang gantimpala. Mas lumalim pa ang aming samahan kasama ang aming grupo na papuntang Bukidnon para sa rehiyonang lebel ng paligsahan. Kahit ikalima lang ‘yong pwesto na nakuha ko do’n ay sariwa pa rin sa mga nakuhang larawan ang saya sa mukha ni mam. Bagay na ikinasaya ko rin.
            Nagdaan ang iilang taon at naging magkaibigan ang aming pamilya at ang pamilya ni mam. Do’n ko pa nalaman na wala palang anak si mam. At mga pamangkin niya ang kanyang mga inaalagaan. Kaya pala naiiba ang kanyang pag-aalaga sa kanyang mga estudyante, itinuturi talaga niya itong mga tunay na anak. Katulad din ng agila ang samahan niya sa kanyang asawa. Ayon sa syensya, sa kabuuang buhay ng isang agila ay may iisa lamang itong kinakasama. Isang napakatamis na katotohanan na bihira sa mga mag-asawa na walang mga supling sa ganitong kapanahonan.
            “He gaves childless couples a family, gives them joy as the parents of children. Hallelujah!” Psalm 113:9
            Ito ang pinakahindi ko inaasahan sa lahat, bagay na ikinagulat ko noong minsa’y ako’y umuwi sa amin sa bakasyon, nakita kong nagsimba si mam sa aming simbahan. Natutuwa ako at ito pala ang kabuuang plano ng Panginoon sa bawat isa na darating ang panahon na magkaisang sumamba sa Kanya ang kanyang mga anak. Ngayon kapag ako’y umuuwi sa amin ay magkakita-kita kami sa simbahan, siya at ang kanyang asawa. Pagkakataon na ikinatutuwa namin pareho.
            Lahat naman tayo ay may gurong hinahangaan at paborito. Sapagkat tayong nilalang na hindi kayang mabubuhay sa isla nang nag-iisa lamang. Bawat isa ay bahagi ng isa pang buhay. At sa bawat tao na ating hinahangaan, mapaloob man o labas ng ating tahanan ay nakadadama tayo ng belongingness, ika nga.  At ito ang nakita kong katangian na pareho sa lahat ng ating hinahangaan: ang kabuuang lalim ng impluwensya nila sa ating mga buhay.

“People don’t care how much you know until they know how much you care”, J.C.Maxwell.


3 komento:

  1. Hindi mapatid ang pag-agos ng aking luha habang binabasa ko ang blog na ito. Sa humigit dalawampung taon ng aking pagtuturo, ngayon lang ako nakatanggap ng ganitong pagpapasalamat/pagpupuri mula sa aking estudyante. Para akong lumulutang sa alapaap at wari bang nakatanggap ako ng Lifetime Achievement Award. Hindi ito kailanman matutumbasan ng anumang halaga ng salapi. Binigyan mo ng karagdagang lakas ang wari'y nalulumbay ng mga pakpak at binigyan mo ng inspirasyon na lalo pang lumipad at pumaalinlang sa gitna ng paghamon at pagsubok sa pagtuturo. Mula sa kaibuturan ng aking puso, maraming salamat sa iyo, Jedelyn! Pagpalain ka ng Panginoon. Nawa'y marating mo ang tugatog ng tagumpay na inilaan Niya para sa iyo at ibigay N'ya ang ninanais ng iyong puso!

    TumugonBurahin
  2. Hindi mapatid ang pag-agos ng aking luha habang binabasa ko ang blog na ito. Sa humigit dalawampung taon ng aking pagtuturo, ngayon lang ako nakatanggap ng ganitong pagpapasalamat/pagpupuri mula sa aking estudyante. Para akong lumulutang sa alapaap at wari bang nakatanggap ako ng Lifetime Achievement Award. Hindi ito kailanman matutumbasan ng anumang halaga ng salapi. Binigyan mo ng karagdagang lakas ang wari'y nalulumbay ng mga pakpak at binigyan mo ng inspirasyon na lalo pang lumipad at pumaalinlang sa gitna ng paghamon at pagsubok sa pagtuturo. Mula sa kaibuturan ng aking puso, maraming salamat sa iyo, Jedelyn! Pagpalain ka ng Panginoon. Nawa'y marating mo ang tugatog ng tagumpay na inilaan Niya para sa iyo at ibigay N'ya ang ninanais ng iyong puso!

    TumugonBurahin
  3. Hindi mapatid ang pag-agos ng aking luha habang binabasa ko ang blog na ito. Sa humigit dalawampung taon ng aking pagtuturo, ngayon lang ako nakatanggap ng ganitong pagpapasalamat/pagpupuri mula sa aking estudyante. Para akong lumulutang sa alapaap at wari bang nakatanggap ako ng Lifetime Achievement Award. Hindi ito kailanman matutumbasan ng anumang halaga ng salapi. Binigyan mo ng karagdagang lakas ang wari'y nalulumbay ng mga pakpak at binigyan mo ng inspirasyon na lalo pang lumipad at pumaalinlang sa gitna ng paghamon at pagsubok sa pagtuturo. Mula sa kaibuturan ng aking puso, maraming salamat sa iyo, Jedelyn! Pagpalain ka ng Panginoon. Nawa'y marating mo ang tugatog ng tagumpay na inilaan Niya para sa iyo at ibigay N'ya ang ninanais ng iyong puso!

    TumugonBurahin